Monthly Archives: December 2006

Pagduyan sa awiting ating naririnig
Pagsabay sa agos, kung san dalhin
Sa oras ng paglisan, kaway ng nakaraan
Alaalang nakaguhit sa bawat pilat ng ulan

Lumingon sa pinanggalingan, alaala’y balikan
Alalahanin at pulutin, magagandang karanasan
Maglakad sa parang ng bawat kabutihan
Sumayaw sa saliw na dala ng kamusmusan

Ibaling ang pansin sa sulok na madilim
Sa mga sandali na naging bulag at sakim
Bilangin ang luha na dumaloy sa mata
at mga pagbugso ng damdamin sa lamig ng baga

At Ilipad ang sarili buhat sa nakaraan
Kalong ang punla ng mga natutunan
Ibaon sa puso, sa lupa ng kinabukasan
Ng bumunga na huhubog sa minimithing kinabukasan

Humarap sa bukas at isulong ang hakbang
Ituloy ang yugto na may ngiti at tapang
At sa mga araw na mapupuwing at masasaktan
Alalahanin ang pahimakas sa nakaraan